Sa gitna ng paggunita ng Buwan ng Wikang Pambansa ngayong Agosto, binigyang diin ni Senador Win Gatchalian ang kahalagahan ng pagtugon sa mga isyu ng wikang ginagamit sa pagtuturo.

Sabi ni Gatchalian, ang wikang ginagamit sa pagtuturo ay itinuturing na isa sa mga pangunahing isyu sa mga paaralan ng bansa.

Batay sa naging resulta ng 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), 94 porsyento ng mga mag-aaral na labing-limang taong (15) gulang ang gumagamit ng wika sa kanilang mga bahay na iba sa ginagamit sa mga paaralan.

Sa naturang assessment, kung saan halos walumpung (79) mga bansa ang lumahok, ang Pilipinas ang may pinakamababang marka sa Reading o Pagbasa. Lumalabas na isa lang sa limang mag-aaral sa bansa ang may sapat na kakayahan sa pagbasa.

Ayon naman sa Department of Education (DepEd), maaaring naaapektuhan nito ang kakayahan ng mga mag-aaral na maunawaan ang kanilang mga aralin sa Science and Mathematics.

Mandato ng Republic Act No. 10533 o ang Enhanced Basic Education of Act of 2013, na kilala rin bilang K to 12 Law, na ipatupad sa curriculum ang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE).

Sa unang tatlong taon ng elementary education, ang pagtuturo, mga kagamitan sa pagtuturo, at ang assessment ay isasagawa sa lokal o wikang pang-rehiyon ng mga mag-aaral.

Magpapatupad naman ng language bridge program sa paggamit ng Filipino at English sa Grade 4 hanggang Grade 6, hanggang ang dalawang wikang ito ang magiging pangunahing wika ng pagtuturo sa secondary level.

Ang pagpapatupad ng MTB-MLE ay isa ring hamon para sa mga guro. Sa isang pag-aaral na isinagawa ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) noong 2019, kabilang sa mga isyu ang kakulangan ng mga aklat na nakasulat sa mother tongue, pati na rin ang kakulangan ng teacher training sa pagtuturo ng mother tongue bilang wika sa pagtuturo.

“Maganda ang layunin ng mother tongue education na turuan ang mga bata sa wikang kanilang naiintindihan, ngunit nakikita natin na may mga hamon sa pagpapatupad nito at naaapektuhan nito ang kalidad ng edukasyon sa ating bansa. Sa pag-reporma natin sa ating sistema ng edukasyon, kailangang resolbahin natin ang mga isyu sa mother tongue education,” pahayag ni Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.



Main Menu

Secondary Menu