Sa pamamagitan ng mga angkop na polisiya, patuloy ang ating pagtugon sa kahalagahan ng angkop na edukasyon para sa lahat—kabilang na ang ating learners with disabilities o mga mag-aaral na may kapansanan.

Ayon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), may limang milyong mga kabataan ang may kapansanan sa bansa at halos kalahating milyon sa kanila ang nag-aaral sa mga pampublikong paaralan.

Sa isang survey naman noong nakaraang Mayo ng organisasyong Save The Children, halos kalahati sa mahigit 4,000 na mga respondents nito ang nagsabing naantala ang kanilang pag-aaral dahil sa lockdown.

 Pero bago pa man sumiklab ang pandemya ng COVID-19 sa bansa, hindi kaila na hirap na talaga ang marami sa ating mga kabataang may kapansanan na makatanggap ng edukasyon.

Ayon sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), ang mga problemang pinansyal at kakulangan sa mga pasilidad sa edukasyon ang itinuturong mga pangunahing dahilan kung bakit maraming kabataang may kapansanan ang hindi makapag-aral.

Ang mga hamong ito ang layong matugunan sa panukalang batas ng inyong lingkod na Senate Bill No. 1907 o ang Instituting Services and Programs for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education Act. Sa ilalim ng panukala, walang mag-aaral na may kapansanan ang maaaring pagkaitan ng pagkakataon na pumasok sa isang pampubliko o pribadong paaralan para sa kanyang basic education.

Sa ilalim pa ng naturang panukala, ang Department of Education (DepEd) at mga lokal na pamahalaan ay magpapatayo at magpapatakbo ng mga Inclusive Learning Resource Centers (ILRC) sa bawat lungsod at munisipalidad sa bansa. Layon ng mga ILRCs na ito na maghatid ng mga libreng support services at mga programa para sa mga mag-aaral na may kapansanan.

 Sa bawat ILRC ay magkakaroon ng mga multidisciplinary team na binubuo ng mga ekspertong tulad ng mga special education teachers, psychologists, guidance counselors, social workers, interpreters at iba pang mga allied medical professionals.  Ang mga ILRC din ang nakatakdang magpatupad ng Child Find System (CFS) na hahanap at susuri sa mga kabataang may kapansanan na hindi nakakapag-aral.

 Ngayon na bumabangon tayo mula sa pinsalang dulot ng pandemya ng COVID-19, kailangan nating tiyakin na tinutugunan ng sistema ng edukasyon sa bansa ang pangangailangan ng ating mga mag-aaral at kabataang may kapansanan. Sa pamamagitan ng mga reporma at panukalang batas na isinusulong natin bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, mas matitiyak natin na walang batang may kapansanan ang maiiwan sa ilalim ng new o better normal.



Main Menu

Secondary Menu